TATARIN
Posted: Saturday, June 23, 2012 by RoNRoNTuRoN in
Abril pa lang, pinaghahandaan ko na ang araw na ito. June 23, 2012 ang Summer Solstice dito, ang pinakamahabang araw ng taon. 19 na oras ng umaga, at 5 oras lamang ng gabi. Sa northern part ng Norway, 24 hours ang liwanag sa araw na ito. Ito na nga ang pinaka peak ng summer para sa taong 2012.
Ngayon, mag isa lang ako dito sa bahay. Lahat sila, nasa Bergen. Ok lang, medyo naiingit pa rin pero wala nang hard feelings. Nakakangiti na rin ako kapag humaharap sa salamin kahit puno ng sugat at langib yung mukha ko. Sugat lang itong sa akin, kahit papaano eh naghihilom.This too shall pass, ika nga. Mas marami pang tao sa mundo ang mas minalas kaysa sa akin kaya hindi ako dapat malungkot. Dahil kahit na gaano man ako pumangit, kahit gaano man ako malasin, kahit gaano man ako subukin ng panahon, alam ko na kaya ko na itong harapin dahil isa akong taong may natutunan sa pinagdaanan at tunay naman na sinubok na ng panahon.
Bukod pa riyan, napagplanuhan na naming sa Bergen kami sa araw na ito, bibinyagan kasi ang pamangkin ko duon na 1st time kong makikita. So May pa lang eh naka book na ako ng plane ticket, nakabili na ako ng isusuot kong suit at tie. Excited na talaga ako. Nakabili na rin ako ng mamahaling regalo na ibibigay ko sa aking cute na cute na pamangkin. Nagpasya rin akong bumili ng bagong camera na gagamitin ko sa big day na ito.
Pero last week, nagsimulang sumama ang pakiramdam ko. Nagsimula akong lagnatin ng mataas, at nanghina ang katawan ko. Dalawang araw akong nakaratay sa kama. Ultimo sa pagpunta sa banyo ay hapong hapo ako at hinihingal. Last sunday nang napakamot ako sa leeg ko at napansin kong may tubig. Humarap ako sa salamin at duon ko napansin yung maliliit na butlig na tumutubo sa mukha ko at sa leeg. Duon tumambad sa akin ang isang bangungot na aking kinatatakutan: ang Varicella / Chicken pox.
Halos gumuho ang mundo ko nang kinumpirma ng doktor ko na chicken pox nga ang sakit ko. Ang gulo gulo ng isip ko noon. Hindi na ako makakapunta sa binyag, paano na ang binili kong americana? Hindi ko na mapipicturan ang pamangkin ko gamit ang bagong biling camera.... sayang naman ang plane ticket.
Dumating ang kinabukasan at lalong lumala ang pisikal na kondisyon ko. Kasabay nito ang mabilis na pagbagsak ng aking katawan. Hapong hapo akong nakaratay sa kama at nakaramdam ng sakit sa dibdib, Kaunting galaw ko lamag at hinihingal na ako. Mahapdi ang buong balat ko at walang tigil ang lagnat ko. Sa sakit ng lalamunan ko, hindi ko magawang kumain ng husto kaya't tinitiis ko na lang ang gutom ko. Sinabi sa akin ng doktor na pahinga lamang sa bahay ang dapat kong gawin. kaya binigyan nya ako ng 8-day sick leave para matigil na rin yung boss ko na nangungulit na baka raw pwede akong pumasok pa rin at sa office na lang mag work imbes na mag alaga ng mga pasyente.
Dumaan ang dalawa pang araw na patuloy na pagdami ng aking mga sugat at panghihina ng katawan. Ngunit matapos ito, nagsimula nang bumuti ang pakiramdam ko sa kabila ng wala pa ring tigil na lagnat. isa isa na ring nagsimulang matuyo yung mga sugat ko. Sa ngayon, halos lahat sila ay tuyo na at isa isa nang natatanggal yung langib. nawala na rin yung lagnat ko at maayos na ang pakiramdam ko.
Sa hirap ng sakit na ito, kailangang malakas hindi lamang ang pisikal na katawan mo pero mas mahalagang emotionally stable ka rin. Andami kong napatunayan sa pinagdaraanan kong ito. Noong kasagsagan ng lagnat ko, mas ipinagdarasal ko na lang ang paggaling at hindi ko na iniisip kung gaano man kalala yung mga peklat na iiwan nung mga sugat. Ang karamihan kasi sa atin, kapag narinig na nagka bulutong ang matanda, ang unang concern nila ay yung mga peklat na mahirap nang maalis. Naisip ko noon, wala na akong pakialam kung magpeklat man ako o hindi, basta ang importante sa akin ay gumaling at malampasan ko yung sakit. Literal na iniisip kong baka mamatay ako dahil dito. Hindi ako nagloloko dahil bilang nurse alam ko na higit na nakamamatay ang bulutong sa matanda. Mas naging matatag ang pagkapit ko sa Kanya at paghingi ng tulong.
Gaya nga ng sabi ko, sobrang nalungkot ako nung narealize ko na sira ang plano ko sa binyag dahil dito. pero after a while, natanggap ko na rin. Kahit naman umiyak ako, wala akong magagawa, Hindi ko naman ito ginusto, at alam kong may reason si God kung bakit ganoon ang nangyari. Narealize ko rin sa nangyaring ito na lahat ng bagay ay pwedeng kunin o mawala sa iyo sa isang iglap lang.Yung plano ko, nawala bigla. Yung kutis ko na inaalagaan ko, nasira bigla. Pero basta matibay ang pananalig mo sa Kanya, madali mong matatanggap ang lahat.
Nagpapasalamat din ako duon sa iilang taong nagpakita ng malasakit nila at nagsabi ng wishes nila for a fast recovery. Halos di kasi ako nakapag tweet ng ilang araw, at sila yung iilang taong naglaan ng ilang sandali para kamustahin ako at ang katahimikan ko. Napatunayan ko na sa twitter, you're only existing when you're tweeting. Pero para sa ilang tunay na kaibigan, they easily notice your absence and gives a damn about it.
Ngayon, mag isa lang ako dito sa bahay. Lahat sila, nasa Bergen. Ok lang, medyo naiingit pa rin pero wala nang hard feelings. Nakakangiti na rin ako kapag humaharap sa salamin kahit puno ng sugat at langib yung mukha ko. Sugat lang itong sa akin, kahit papaano eh naghihilom.This too shall pass, ika nga. Mas marami pang tao sa mundo ang mas minalas kaysa sa akin kaya hindi ako dapat malungkot. Dahil kahit na gaano man ako pumangit, kahit gaano man ako malasin, kahit gaano man ako subukin ng panahon, alam ko na kaya ko na itong harapin dahil isa akong taong may natutunan sa pinagdaanan at tunay naman na sinubok na ng panahon. 
As long as you can keep on posting in your blog, it'll be fine. There's a time for everything. Wag ka na manghinayang pa sa americana mo.
Rest is the most important thing. Ikaw din, maraming nag-iisip sayo.