PARA SA IYO, ALUMIHIT NG AKING PUSONG PAGAL
Posted: Thursday, June 23, 2011 by RoNRoNTuRoN in![]() |
| ako, taong 2007 |
Wari'y mga nakapiit, nakagapos, nakabartolinang mga kamay ang tumitipak sa bawat titik na aking nililikha. Hinahanap ang himig na aangkop sa bawat siil ng damdaming nais kumawala mula sa aking buliglig na kaisipan.
Isang luha ang unti-unting humubog sa aking salahilong mata, tanda ng silakbo ng damdaming ayaw paawat sa paglagablab. Nagsusumigaw sa kawalang walang nakakarinig, humihiyaw sa dimensyong tanging ang mga bingi ang maaaring makaalam.
Nais kong sumigaw, ilabas ang lahat sa aking daanang hangin at ipaalam sa mundo ang aking pagsinta't paninibugho sa kinalalagyan ng bawat isa sa atin. Ang daang milyang aking nais tahakin, ang talisik na aking nais sisirin ay walang bigat sa kagustuhan kong ibigay ang lahat ng mayroon ako sa oras ng ating pagtitiyap.Ngunit kung ako ay sisigaw, maririnig ba ito ng iyong pusong pagal?
Oo nais kong sumigaw, humiyaw. Sinubukan ko ito ngunit ako ay nabigo. Sa pagbuka ng aking bibig, isang bagay lang ang aking naiusal...
Ang pangalan mo, mahal ko.
Nasaan ka na? Ikaw na siyang liwanag ko sa itim na gabi. Ikaw na tanging inaasam ko habang ako'y naka sadlak sa panahong kawit ang palakol. Ikaw na siyang pagasa ko sa buhay.
Ikaw, na mahal ko.
Sandali na lamang. Kaunting paghihintay na lamang. Gaya ng iyong sambit sa akin, dalawamput anim na taon ang pinagdaanan ko sa gubat ng buhay upang makarating sa tangway na aking kinatitindigan. Ang pagsuko ay isang kahibangan, at ang paghangos ay ano ngunit isang pagkitil sa pinagdaanan. Ang ating oras ay darating. Ang ating aklat ay nakatadhanag sulatin. Ang ating mga pangarap, ang ating mga sarili, ang ating damdamin.
Mahal kita.
At para sa iyo ang awit ng aking damdamin. Nawa ay maibigan mo ito ng buong puso, gaya ng pag-ibig ko sa iyo. Wagas.


@Ron: nakamamangha ang iyong paging tatas sa wikang Filipino.. sadyang makapangyarihan ang pag-ibig, at nagagawa mong humabi ng mga salita para maging isang "post"..